Saturday, August 29, 2020

007: Xilef ni Augie D. Rivera, Jr. [FIL]

 

Karapatang-ari © 2000 ng Adarna HouseAugie Rivera, at Beth Parrocha-Doctolero
Kuwento ni Augie Rivera
Guhit ni Beth Parrocha-Doctolero

BUOD

"Nang buklatin ko ang libro, parang biglang gumalaw ang mga titik at kahit anong gawin ko, hindi ko talaga sila mabasa!"

Ang aklat na ito ay kabilang sa Interntational Board on Books for Young People (IBBY) Outstanding Books for Young People with Disabilities, 2005.

Ang Xilef ang kauna0unahang Filipinong kuwentong pambata na tumutulong upang magkaroon ng ganap na pag-unawa at pagtanggap sa mga batang dyslexic.

TUNGKOL SA MAY-AKDA

Makailang ulit na siyang nagwaagi ng Gantimpalang Palanca para sa kaniyang mga kuwentong pambata sa Filipino at sa Ingles.  Isa na rito ang kuwentong Xilef na nagwagi ng Ikatlong Gantimpala sa Kuwentong Pambata noong 1999.

Isa siya sa mga tagapagtatag ng KUTING (Kuwentista ng mga Tsikiting), isang grupo ng mga Filipinong manunulat ng kuwentong pambata.

PAGSISIYASAT

"A children's story that can only be enjoyed by children is not a good children's story in the slightest." - C.S. Lewis, may-akda ng mga aklat ng "Chronicles of Narnia"

Palagi ko noong iniisip na ang mga kuwentong pambata ay pawang nararapat lamang sa kabataan.  Hindi ba't inililmbag ang ganitong mga kuwento para sa kanila?  Hindi ko na dapat bigyang pansin ang mga ganitong kuwento dahil hindi na ako bata, hindi ba?  Subalit, aking napagtantong mali ang akala kong ito.

Noong binalikan ko ang mga aklat na binabasa ko noong bata ako ay natuklasan ko ang kuwentong ito tungkol sa batang si Felix.  Naisip ko noon na ang kuwentong ito ay gaya lamang ng marami nang mga kuwentong pambata kung saan hinahangad na bata na maging kilalang superhero, lalo na at tinutuon ko ang aking pansin sa mga guhit ng kuwento.  Subalit, kamakailan lamang noong basahin ko muli ang kuwentong ito, unti-unti kong naintindihan ang suliraning ikinakaharap ng batang si Felix.  Sa katotohanan ay dahil hindi ko napapansin ang sarili kong pagsisikap sa pagbabasa ay nakakalimutan kong may mga taong kagaya ni Felix na tunay na nahihirapang maunawaan ang kahalagan ng pagbabasa.

Ang kuwento ng Xilef (na ito'y kabaliktaran ng pangalan ni Felix) ay nagbibigay-diin sa totoong suliraning humahadlang sa kakayanan ng tao na bumasa.  Sa hamak na gulang ni Felix ay nagdurusa na siya sa dyslexia, isang sakit na lubos na humahadlang hindi lamang sa pagbabasa niya kundi maging sa kaniyang pagsulat at pananalita.  Ang uri ng dyslexia na taglay niya ay tinatawag na dyseidetic dyslexia na kinikilala rin bilang visual dyslexia.  Madalas niyang nakakakita ng mga titik na para bagang lumilipad kagaya ng mga asteroid sa kalawakan (outer space), at dahil doon ay nakikita niya ang kaniyang sarili bilang si Captain X, isang tagapagtanggol ng planetang Xtimus mula sa mga kamay ng kadiliman.

Naging sanhi ang kaniyang kapansanan upang siya ay maging biktima ng pananakit ng kaniyang mga kamag-aaral at ng kaniyang guro sa pagbasa na si Ma'am Venus.  Sa bawat panahong siya ay inaatasang magbasa sa harap ng klase, kaniyang nabibigkas ng mali ang kaniyang binabasa at nakakaramdam siya na para bagang lumilipad siya kasama ng kaniang binabasa.  Naging dahilan ang iyon upang siya ay saktan ng kaniyang mga kamag-aaral sa paraan ng kaniyang pananalita.  Ikinailangan ring tawagin ni Ma'am Venus ang mga magulang ni Felix upang pag-usapan ang kaniyang mga kahinaan.

Subalit, hindi nawalan ng pag-asa si Felix.  Dahil sa gabay at tulong ng mga magulang niya ay tinulungan din siya ng mga dalubhasa upang lunasan ang kaniyang mga suliranin.  Nagkaroon ng support group si Felix kung saan siya ay tinulungan ng mga dalubhasa sa kalusugan, ang kaniyang tutor sa pagbasa, at mga magulang niya.  Unti-unting nawala ang mga suliranin ni Felix sa pagbabasa sa pamamagitan ng bayanihan ng kaniyang support group, at unti-unti siyang humabol sa mga kamag-aaral niya sa pagbabasa.  Napagtagumpayan ni Felix ang kaniyang suliranin sa pagbabasa at nauunawaan na niya ang kaniyang mga binabasa.

Ang aklat na ito ay katunayang mayroon pa ring naidudulot na mabuti sa atin ang mga kuwentong pambata.  Tunay na karapat-dapat sa aklat na ito ang natamo nitong ikatlong gantimpala sa Palanca Awards (ang gantimpalang kasing-tulad ng Pulitzer Prize) noong taong 1999, hindi dahil maganda at makulay ang mga guhit nito kundi dahil nilalayon ng kuwentong ito na maunawaan ng mga kabataan ang mga tunay na suliraning gaya ng naranasan ni Felix.  Maraming mga kuwentong pambata ang nakatuon ang pansin sa mga makukulay na buhay ng mga kanilang mga tauhan.  Subalit, ang Xilef , bagamat payak, ay mabisa sa pagtupad ng layunin nitong ipaunawa sa mga bata ang mga kalagayan ng mga taong kagaya ni Felix na may kapansanan.

Kung mayroon man tayong kakilala o mahal sa buhay na may kapansanan, tayo nama'y maging mapagmahal at maunawain sa kanila.  Huwag na tayong dumagdag sa mga suliranin nila bunga ng kanilang mga kahinaan.  Sa halip ay maging bukas ang ating mga palad at puso sa pagtulong sa kanila at maging mapagpasalamat dahil may kakayanan tayong tumulong sa iba.  Totoong nananatiling mahalaga ang pakikipagkapwa-tao hanggang ngayon, kahit ano pa man ang maging salin nito sa iba't-ibang mga kabihasnan sa daigdig na ito.

No comments:

Post a Comment

Latest Review!

008: Polliwog's Wiggle ni Heidi Emily Eusebio-Abad [FIL]

  Karapatang-ari © 2004 ng Adarna House, Inc ., Heidi Emily Eusebio-Abad , at Beth Parroca-Doctolero Kuwento ni Heidi Emily Eusebio-Abad Mga...