Sunday, August 30, 2020

008: Polliwog's Wiggle ni Heidi Emily Eusebio-Abad [FIL]

 


Karapatang-ari © 2004 ng Adarna House, Inc., Heidi Emily Eusebio-Abad, at Beth Parroca-Doctolero
Kuwento ni Heidi Emily Eusebio-Abad
Mga guhit ni Beth Parroca-Doctolero

BUOD

Dahil sa kaniyang kakawag-kawag na buntot at bilugang hugis, talagang sikat ang butete! Hanggang sa isang nilalang na may kakaibang kulay at malalaki at lumuluwang mga mata ang kumuha ng pansin mula sa butete. Sa nakatutuwang kuwentong ito sa isang sapa, alamin kung paanong tinanggap ng butete ang pagbabago.

Pinagmulan: Goodreads

TUNGKOL SA MAY-AKDA

Heidi is a professor at the Department of English and Comparative Literature at the University of the Philippines. Her first book for children entitled, Abot Mo Ba ang Tainga Mo? won the Gintong Aklat Award  for Children's Literature in 2002. She is a member of the Kuwentistia ng mga Tsikiting (Kuting), an organization of writers for children. Her latest book, Polliwog's Wiggle, is dedicated to her frog-prince, Sergio, and their brood of polliwogs, Laura, Laraine, Steffie, and Sam.

(Kinuha ayon sa nakasulat sa aklat)

PAGSISIYASAT

Hindi madali at maaaring matagal ang pagtanggap sa pagbabago.  Maaari tayong makasagupa ng mga pagkakataon kung saan ay kinakailangan natin matutong makitungo sa mga iba't-ibang paligid at hamon ng buhay.  Subalit, ang kakayahan ito na tanggapin ang pagbabago ay isa sa mga pinakamahalagang katangiang nararapat sa ikabubuhay ng sinuman.  Ito ay isang katangiang nakakatulong sa atin na maunawaan ang karupukan ng buhay, at ika nga'y "walang forever".

Ang pagtanggap ng pagbabago sa buhay ay ang pangunahing paksang-diwa ng kuwentong pambatang ito ukol sa isang butete at ang kaniyang paglaki bilang isang palaka.  Nagsimula ang kuwento sa isang butete na, noong isang araw, ay biglang lumitaw sa isang latian na pinamamahayan ng mga isdang tabang.  Dahil natatangi ang butete sa mga isdang tabang sa latian, ninais ng mga isda na kaibiganin at maging kalaro nila.  Dahil dito ay bumuo sila ng pakikipagkaibigang kanilang itinuring na puno ng pagmamahal.

Subalit, nagbago ang lahat noong may lumitaw na nilalang na mukhang bato sa latian.  Higit na binigyang pansin ng mga isdang tabang ang nilalang na ito dahil kakaiba ang hitsura nito.  Unti-unting nainggit sa mga isda ang butete, at madalas naging dahilan ito upang hindi makitungo sa mga ito.  Dahil dito ay unti-unting naisip ng palaka na palakihin ang kaniyang sarili upang maging kasing-laki ng nilalang na iyon.  Hindi namalayan ng butete na siya ay unti-unting nagbabagong-anyo na.

Naging kasingtulad na ng nilalang na mukhang bato ang katawan ng butete.  Naging halo ng kulay kayumanggi at luntian ang kaniyang katawan, gaya ng malumot na bato.  Biglang nagkaroon ng mga binti sa harap at likod ang butete kapalit ang kaniyang pumapaliit na buntot.  Habang lumipas ang panahon, hindi na kayang tiisin ng butete na tumagal sa ilalim ng tubig, kung kaya't kinailangan nitong umahon at maniraham sa lupa.  Kamakaila'y naging magkaparehas na ang dating butete at ang kakaibang nilalang na siya'y palaka.

Hindi nagustuhan at natuwa ang dating butete sa bago at mala-palaka niyang katawan.  Ito'y hindi lamang dahil sa hindi na makatagal ang palaka sa tubig, kundi maging siya ay kinailangan nang kumain ng mga kulisap sa latian.  Habang ipinagtanto ng palaka ang bago niyang kaanyuan, tinanggap na niya ang bagong katotohanan ng kaniyang sarili.  Bagama't takot siya noong una, hinangad ng palaka na makausap ang mga isdang naging kaibigan niya at sila'y makipagkaibigan nang muli.  Dahil sa tinanggap ng mga isdang tabang ang palaka gaya ng pagtanggap nila sa kaniya noong siya ay butete pa, namuhay muli siya ng payapa gaya ng dati.

Kagaya ng butete na nangailangang dumaan sa pagbabago, tayo rin ay kasalukuyang dumaraan sa mga pagbabago sa ating kasalukuyang paraan ng pamumuhay.  Maraming mga bagay ang hindi pa natin natitiyak hanggang sa ngayon, gaya na lamang ng kung kailan matatapos ang kasalukuyang pandemya at ang mga malulubhang bunga nito, at kung ano-ano ang mga suliraning haharapin natin sa hinaharap.  Marami man tayong mga haka-hakang maaaring magawa, subalit totoong hindi natin natitiyak kung ano ang mangyayari bukas.  Ito ang dahilan kung bakit, kagaya ng butete, ay kailangan nating tanggapin at pakitunguhan ang mga pagbabagong dumarating sa ating mga buhay.  Huwag nawang magpabigat ng ating mga kalooban ang mga suliraning dumarating sa atin.  Nawa'y matutunan nating tanggapin ang karupukan ng buhay bilang bahagi ng ating pagkatao, pagkat iyon ay tiyak na ating mararanasan.

PANGWAKAS

Bilang isa sa mga tagasubaybay ng book blog na ito, lubos akong nagpapasalamat sa iyong pagtangkilik sa mga hinanda kong pagsisiyasat.  Ikinararangal ko ang pagbibigay kaaliwan sa inyo hindi lamang sa pagbabasa ng mga kuwentong pambata kundi maging sa pagtangkilik sa sariling wika.  Nawa'y, kagaya ko, marami kayong natutunan sa 5 pagsisiyasat na ito sa pagtangkilik sa ating mga kalinangan.

Hanggang sa muli, magkita tayo sa susunod na pagsisiyasat!

No comments:

Post a Comment

Latest Review!

008: Polliwog's Wiggle ni Heidi Emily Eusebio-Abad [FIL]

  Karapatang-ari © 2004 ng Adarna House, Inc ., Heidi Emily Eusebio-Abad , at Beth Parroca-Doctolero Kuwento ni Heidi Emily Eusebio-Abad Mga...